Air Force nurse patay nang looban ang bahay sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 05:16 PM | Updated as of Nov 14 2019 09:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay nitong madaling araw ng Huwebes ang isang babaeng nurse ng Philippine Air Force matapos umanong saksakin ng construction worker na nanloob sa kaniyang bahay sa Makati City.

Kinilala ng Makati police ang biktima bilang si 2nd Lt. Jennet Beron Aguilar, 31 anyos.

Kauuwi lang ni Aguilar sa kaniyang bahay at matutulog na sana nang makarinig ng kaluskos, ayon sa imbestigasyon ng Makati police.

Pagkalabas ng kuwarto, naabutan umano ni Aguilar na palabas din ng bahay ang 19 anyos na lalaking suspek.

Nagbuno ang dalawa at pinagsasaksak ng suspek si Aguilar sa dibdib at tagiliran, na ikinasawi ng biktima, ayon sa pulisya.

Nagtatrabaho ang suspek sa construction site malapit sa bahay ni Aguilar.

Lumabas din sa imbestigasyon na magkakilala si Aguilar at ang suspek. Inaabutan pa umano ng pera ng biktima ang suspek at pinapayagang makigamit ng kaniyang palikuran.

Ayon sa suspek, nagawa niyang pagnakawan ang biktima para magkaroon ng panghanda sa kaniyang kaarawan ngayong Huwebes.

Kinuyog ng mga kapitbahay ang suspek nang matunton ng mga pulis na nagtatago sa isa pang ginagawang gusali.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide ang suspek. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.