Abogado na gahaman umano sa pera tuluyang dinisbar ng Korte Suprema

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 07:15 PM

MAYNILA - Tuluyan nang inalis ng Korte Suprema sa listahan ng mga abogado sa bansa ang isang abogadong nauna nang sinuspende dahil umano sa pagiging sakim sa pera.

Sa 13-pahinang desisyon ng korte na inilabas nitong Huwebes, hinatulang guilty si Elmer Dela Rosa sa misconduct na paglabag sa Code of Professional Responsibility.

Inutusan ng Korte Suprema ang Office of the Bar Confidant na alisin sa listahan si Dela Rosa.

Sa pahayag ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Board of Governors, mas pinili umano ni Dela Rosa na protektahan ang kaniyang personal na interes imbes ang interes ng kaniyang kliyente at mga miyembro nito.

Batay sa reklamong natanggap ng Korte Suprema taong 1997, kinuha ng Palalan CARP Farmers Multi-Purpose Cooperative si Dela Rosa sa civil case sa annulment ng isang transfer certificate of title ukol sa isang 111-ektaryang lupain sa Barangay Lumbia, Cagayan De Oro City, na nakapangalan sa kooperatiba.

Noong 2002, nag-execute ang kooperatiba ng special power of attorney (SPA) na nag-awtorisa umano kay Dela Rosa na umaksiyon sa lupain pero ni-revoke din ito noong 2007.

Pero sa kabila ng revocation ng SPA, naging ahente pa rin si Dela Rosa at naibenta ang lupain at binayaran niya ang farmer-beneficiaries sa kani-kanilang shares.

Pero sa kabila nito, sinabi ng Korte Suprema na mayroong halong corrupt intent ang ginawa ng abogado at hindi isinaalang-alang ang ethical rules.

Una nang nasuspende si Dela Rosa noong 2016 dahil sa paghiram ng pera sa asawa ng kaniyang mga kliyente.

- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.