2 lalaki na sangkot umano sa nakawan ng motorsiklo, arestado

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 05:29 AM | Updated as of Nov 14 2019 06:50 AM

BACOOR, Cavite—Arestado nitong Huwebes ng madaling-araw ang 2 lalaki na umano'y sangkot sa nakawan ng motorsiklo.

Nilusob ng Bacoor City police ang liblib na bahagi ng Barangay San Nicolas 3 dahil sa mga sumbong na may kahina-hinalang aktibidad sa lugar.

Naghinala ang isang residente sa paglabas-masok umano ng iba't ibang klase ng motorsiklo sa isang bahay roon.

Napag-alaman ng pulisya na nasa drugs watch list ang nakatira roon na si Emmanuel Molera kaya ikinasa ang buy-bust operation kung saan nakuhanan siya ng P40,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Natagpuan sa kaniyang bahay ang 5 motorsiklong kalas na ang mga piyesa.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, nakaw o inagaw ang mga nasabing motorsiklo.

Modus operandi umano ng grupo na chop-chopin ang mga ito at ibenta nang hiwa-hiwalay ang mga piyesa. Mas mataas umano ang kita rito lalo na kung sa online makabebenta.

Nadiskubre pa sa bahay ang isang papel kung saan nakamapa at nakasulat ang mga lugar na posible nilang biktimahin.

Ayon sa 2 suspek, dinadala lang ng isang alyas Bisaya ang mga nakaw na motorsiklo sa naturang bahay pero hindi sila sangkot sa pagbebenta ng mga ito.

Aminado naman sila sa paggamit at pagbebenta ng droga.

Tinutugis pa ng mga pulis ang 3 kasamahan ng mga suspek.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.