2 barangay kagawad patay sa pamamaril sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 03:14 PM | Updated as of Nov 14 2019 03:43 PM

(UPDATE) Patay ang 2 barangay kagawad sa Bayawan City, Negros Oriental matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin nitong umaga ng Huwebes.

Sakay ng motorsiklo at pauwi ng bahay ang mag-amang sina Felipe Condez Jr., 60, at Jonesis Condez, 31, nang pagbabarilin ng salaring angkas sa motorsiklo sa may Barangay Kalumboyan, ayon sa pulisya.

Pawang kagawad ng Barangay Kalamtukan ang 2 biktima, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng kanilang mga katawan.

Sinundan ng riding-in-tandem ang mga biktima mula city proper, ayon sa imbestigasyon ng Bayawan police.

Away-politika ang isa sa mga sinisilip na motibo sa pagpatay, ayon kay Negros Oriental police director Col. Julian Entoma.

Posible rin daw may nakahidwaan ang mag-ama sa pamilya o mga kakilala.

Posible ring iisang grupo o gunman ang bumaril sa mag-ama at 3 taong napatay sa Barangay Banga noong Oktubre 17 dahil pawang mga miyembro ang mga ito ng Pulahan cult, ayon kay Entoma.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari. -- Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.