PatrolPH

Alkalde, bise alkalde ng bayan sa La Union pinagbabaril

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2018 10:13 AM | Updated as of Mar 01 2020 02:24 PM

Watch more on iWantTFC

BAGUIO CITY - (UPDATE 2) Pinagbabaril sina Balaoan, La Union Mayor Aleli Concepcion at ama nitong si Vice Mayor Alfred Concepcion habang lulan ng sasakyan nitong Miyerkoles ng umaga.

Sa pinakahuling ulat, patay ang vice mayor habang sugatan naman ang anak nitong alkalde dahil sa mga tama ng bala. Dead on arrival naman ang bodyguard nila na si Mike Ulep.

Papunta sana ng munisipyo ang alkalde at bise alkalde bandang alas-8 ng umaga nang mangyari ang insidente sa barangay Cabuaan ng Balaoan. 

Hindi bababa sa 150 basyo ng bala ang natagpuan sa crime scene, ayon sa mga awtoridad. 

Patuloy pa ang paghahanap sa mga salarin at pag-iimbestiga sa posibleng motibo sa ambush.

Parehong kumakandidato bilang reelectionist ang mag-ama para sa susunod na halalan. 

Simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, nasa 18 mayor at vice mayor na ang napapaslang ng mga di pa nakikilalang salarin o ng mismong mga awtoridad.

Narito ang listahan ng mga ito: 

1. Vice Mayor Aaron Sampaga ng Pamplona, Cagayan - Agosto 5, 2016
2. Mayor Samsudin Dimaukom ng Datu Saudi Ampatuan town, Maguindanao - Oktubre 28, 2016
3. Mayor Rolando Espinosa ng Albuera town, Leyte - Nobyembre 5, 2016
4. Vice Mayor Anwar Sindatuk ng Datu Saudi-Ampatuan town, Maguindanao - Nobyembre 27, 2016
5. Mayor Mohammad Limbona ng Pantar town, Lanao del Norte - Disyembre 30, 2016
6. Mayor Arsenio Agustin ng Marcos, Ilocos Norte - Hunyo 3, 2017
7. Mayor Joven Hidalgo ng Balete town, Batangas - Hunyo 10, 2017
8. Mayor Reynaldo Parojinog ng Ozamiz City, Misamis Occidental - Hulyo 30, 2017
9. Vice Mayor Jackson Dy ng Roxas town, Oriental Mindoro - Setyembre 23, 2017
10. Vice Mayor Jonah John Ungab ng Ronda town, Cebu - Pebrero 19, 2018
11. Mayor Ronald Tirol ng Buenavista town, Bohol - Mayo 27, 2018
12. Mayor Antonio Halili ng Tanauan City, Batangas - Hulyo 2, 2018
13. Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio town, Nueva Ecija - Hulyo 3, 2018
14. Vice Mayor Alex Lubigan ng Trece Martires, Cavite - Hulyo 7, 2018
15. Vice Mayor Al-Rashid Mohammad Ali ng Sapa-Sapa, Tawi-Tawi - Hulyo 11, 2018
16. Mayor Mariano Blanco III ng Ronda, Cebu - Setyembre 5, 2018
17. Mayor Alexander Buquing ng Sudipen, La Union - Oktubre 1, 2018
18. Vice Mayor Alfred Concepcion ng Balaoan, La Union - Nobyembre 14, 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.