PatrolPH

2 suspek sa panghahalay at pagpatay sa estudyante sa Cavite, arestado

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2018 06:12 PM

NAIC, Cavite - Hawak na ng pulisya ang dalawang suspek na umano'y nanghalay at pumatay sa isang estudyante noong Setyembre.

Kinilala ang mga suspek na sina Jonard Panesa alyas Toto at Jonathan Otazo na kapwa naaresto sa ikinasang buy-bust sa isang subdivision sa Barangay Timalan sa Naic nitong Martes.

Ayon sa pulisya, marami na silang natanggap na report tungkol sa umano'y pagtutulak ng droga ng mga suspek.

Inamin naman ni Panesa ang partisipasyon nito sa paghalay at pagpatay sa 20 taong gulang na college student na natagpuang walang buhay sa isang creek sa parehong bayan.

Dagdag pa nito, si Otazo ang pumatay sa biktima sa pamamagitan ng pagsakal dito.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na may pagkakapareho ang DNA ni Panesa at ang natagpuang DNA sa katawan ng biktima.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act at rape with homicide ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.