1 patay, 1 sugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Davao del Norte

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2018 05:06 PM | Updated as of Nov 14 2018 05:08 PM

NEW CORELLA, Davao del Norte - Sugatan sa leeg ang isang konsehal habang patay naman ang dispatcher ng pampasaherong jeep sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayang ito Martes ng hapon.

Unang binaril ng hindi pa nakikilalang gunman si Municipal Councilor Alvin Libres sa harap mismo ng kanilang tindahan sa Barangay Poblacion.

Nakarinig lamang ng isang putok ng baril ang kanilang tindero na si Ireneo Villaro.

Agad namang isinugod sa ospital si Libres.

Matapos lamang ang ilang segundo ay nakarinig naman ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga tao sa loob ng terminal ng jeep.

Patay ang dispatcher ng jeep na si Lito Labor, 55 taong gulang, matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Ayon sa New Corella Police, hindi pa nila matumbok kung ano ang motibo sa krimen ngunit ang dalawa ay dati nang umamin sa paggamit ng ilegal na droga.

Aminado rin ang asawa ng Labor na gumagamit noon ng ilegal na droga ang kaniyang asawa ngunit tumigil na ito

Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng iisa lang na grupo ang bumaril sa dalawa.

Ipinangako ng mga pulis na bibigyan ng hustisya ang mga biktima.

Inaalam pa ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.