Mga militante balik sa lansangan para magprotesta

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 03:23 PM | Updated as of Nov 14 2017 05:14 PM

MANILA - Matapos ang matensiyong rally sa pagbubukas ng ika-31 ASEAN Summit noong Lunes, balik muli sa lansangan ang mga aktibista para magprotesta ngayong Martes.

Ang militanteng grupong Sanlakas, sinubukang makalapit sa pinagdarausan ng ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center pero naharang ng mga pulis sa Taft Avenue.

Sa kanto ng Pablo Ocampo Street nagsagawa ng may 2 oras na programa ang mga aktibista bitbit ang mga larawan nina Pangulong Rodrigo Duterte, United States President Donald Trump at Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

May mga militanteng grupo rin na nagmartsa pa-Mendiola bitbit ang pinintang larawan ni Duterte at Trump, gayundin ang isang bandila ng Amerika na sinulatan ng "death to imperialism and fascism."

May mensahe rin kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang placard sa isang jeep na gamit ng mga aktbista, kung saan nakalasulat ang mga katagang "Canada take back your waste."

Ito'y bunsod ng shipment ng basura mula Canada papuntang Pilipinas noong 2013. Ayon kay Trudeau, patuloy ang mga hakbang ng kaniyang gobyerno upang maresolba ang isyu.

Kompara sa kilos-protesta noong Lunes, mas naging mapayapa ang programa ng mga militanteng grupo ngayong araw. Aabot sa 10 aktibista at higit 6 na pulis ang nasugatan sa rally noong Lunes, kasabay ng pagbubukas ng ASEAN Summit. --mula sa ulat nina Doris Bigornia, Jeff Hernaez, Adrian Ayalin, at Johnson Manabat ng ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.