Lalaki, nagwala, nanutok ng baril sa mga babae, bata

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 03:31 PM

Inireklamo sa pulisya ang isang lalaking nanunutok umano ng baril sa mga residente ng isang barangay sa Mandaluyong nitong Lunes ng gabi.

Sumugod ang grupo ng mga babae at bata sa Mandaluyong Police Station matapos silang tutukan ng baril ni Warlito Hugo sa Barangay San Jose, pasado alas-10 ng gabi.

Kuwento ng mga residente, tahimik silang nakatambay sa labas ng bahay nang bigla umanong magwala si Hugo.

Nagsimulang magwala si Hugo nang hindi na niya mahagilap ang kaniyang pamangkin, na kainuman niya.

Hindi pinatawad ni Hugo maging ang mga bata at tinutukan rin ng baril.

Hindi residente ng Barangay San Jose si Hugo pero may mga kaanak siya roon.

Ayon kay Ronron Tuazon, kapitan ng barangay, dati nang inirereklamo si Hugo dahil sa kaugnayan umano sa droga.

Dinala sa ospital si Hugo para sumailalim sa medical examination.

Paglabag sa gun ban dahil sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ang kasong haharapin ni Hugo paglabas ng ospital.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.