Bahagi ng Caloocan police station, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 08:38 AM

MANILA - Natupok ang bahagi ng headquarters ng pulisya sa Samson Road, Barangay Sangangdaan sa Caloocan, Martes. 

Pasado alas-5 ng umaga nagsimula ang sunog dahil sa mga depektibong wiring, ayon sa Bureau of Fire Protection. 

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga opisina ng Scene of the Crime Operatives, admin, investigation, at operations divisions, gayundin sa supply room at press office. 

Nadamay rin sa insidente ang ilang bahay sa likod ng istasyon. 

Naapula ang sunog dakong alas-6 ng umaga. 

Nailikas naman sa firing range ang 102 inmates sa Custodial Center ng istasyon, ani Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan police. 

Dagdag niya, "all accounted for" ang mga bilanggo at walang nakatakas at nagtangkang tumakas sa kanila. 

Gayunman, inamin ni Modequillo na pinangangambahang nadamay sa sunog ang daan-daang dokumento. 

Aabot sa P1-M ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog, habang wala namang naiulat na nasaktan o namatay. 

May ulat nina Ernie Manio at Arra Perez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.