2 magnanakaw umano ng motorsiklo kinuyog sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 06:32 PM | Updated as of Nov 14 2017 08:15 PM

GENERAL SANTOS CITY - Nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan ang dalawang lalaki matapos kuyugin ng ilang residente ng Barangay Apopong dito sa siyudad Martes ng madaling araw matapos tangkain umano nilang magnakaw.

Ayon sa mga residente, sinubukan ng dalawang suspek na tangayin ang motorsiklong pagmamay-ari ni Glory Anne Hernandez.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Jomar Gensoli, 18 at residente ng Barangay General Paulino Santos sa Koronadal City, at Ryan Albay, 24, residente ng San Vicente sa Glan, Sarangani province.

Kuwento ni Hernandez, mag-isa siyang natulog sa kanilang bahay galing sa isang vigil pero nagising umano siya sa narinig na kalabog.

Nang makumpirmang may nakapasok sa kanilang compound, hindi raw ito sumigaw, bagkus ay tinawagan ang kaniyang kapitbahay sa cellphone. 

Nang dumating ang kaniyang kapitbahay, dito na raw nagtangkang tumakas si Albay. Nagtulog-tulogan naman ang suspek na si Gensoli sa labas ng bahay.

Agad nasukol ang dalawa dahil na rin sa tulong ng mga residente sa barangay. 

Ayon sa suspek na si Albay, napag-tripan lang daw nilang tangayin ang motor dulot ng kalasingan. Wala rin umanong balak ang mga suspek na ibenta ang motorsiklo.

Umamin naman ang dalawa na nagnakaw na rin sila ng motorsiklo noong Nov. 9 sa Barangay Apopong kaya nahaharap sila sa kasong car theft.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.