PatrolPH

Nabitawan sa baha: Paslit, bangkay nang natagpuan ng ina

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2020 08:04 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Patay na nang matagpuan nitong Biyernes ang 2 anyos batang lalaki matapos siyang mahiwalay sa kaniyang ina sa gitna ng rumaragasang baha sa Marikina City noong kasagsagan ng hambalos ni bagyong Ulysses. 

Mga bata ang unang nakakita ng bangkay ng bata sa Barangay Tumana, Marikina at agad naalala ng mga awtoridad si Ruchie Enabore, ang inang naghahanap sa kaniyang anak. 

Tsinelas pa lang ang nakita ni Enabore pero nakilala na niya agad ang kaniyang bunso.

Nabitawan sa baha: Paslit, bangkay nang natagpuan ng ina 1
Agad niyakap ng ina ang putikan at wala nang buhay na katawan ng kaniyang musmos na anak. Screengrab

Agad niyakap ni Enabore ang putikang katawan ng musmos na anak.

Kuwento ni Enabore, malakas na ang hangin pero di pa mataas ang baha nang paunahin niyang sumakay sa bangka para lumikas ang mister at kanilang 10 anyos anak na babae.

Pero habang naghihintay silang balikan ay doon na rumagasa ang baha.

"Mataas na 'yung tubig, ginawa ko, pinatong ko siya sa may puno. Tapos nu'ng pataas nang pataas ang tubig, inakyat ko siya nang inakyat hanggang sa natumba 'yung puno na inaanuhan namin. Tapos lumipat kami du'n sa may kawayan. Yung mataas na kawayan, inaakyat ko pa din siya kahit mataas na 'yung tubig. Hangga’t natumba 'yung kawayan na inaanuhan, du'n na kami naghiwalay. Di ko na siya nahawakan," ani Enabore.

Hanggang ngayon, hindi pa nakokontak ni Enabore ang kaniyang mister at anak. Hindi niya tiyak kung nakaligtas ba ang mga ito.

Ayon sa barangay, sila na ang tumawag sa punerarya at umasiste sa naghihinagpis na ina para mabigyan ng disenteng libing ang pumanaw na anak.


—Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.