Mga taga-Marikina di pa alam paano makabangon sa hagupit ni Ulysses

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2020 08:31 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Idineklara na ng alkalde ng Marikina ang state of calamity sa kaniyang nasasakupan dahil sa lawak ng pinsalang idinulot ng bagyong Ulysses. 

Huling nakita na ganito ang estado ng lungsod 11 taon na ang nakalilipas dahil sa bagyong Ondoy.

"Hirap na hirap po ang kalooban ko kasi sa hirap ng buhay ganito pa ang nangyari. Sobra sobra na po. Ondoy, nasunugan na kami, ito na naman. Paano naman kami makakabangon eh nangungutang lang kami ng 5-6 para makapagpagawa ng bahay. Nag-pandemic pa. Walang trabaho," hinaing ni Nelia Gaymara, residente. 

Tantiya ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro, aabot sa P10 bilyon ang halaga ng tinamong pinsala sa impraestruktura, habang P30 bilyon-40 bilyon naman ang pinsala sa kabuhayan, pamilihan at mga nawalang oportunidad bunsod ng bagyong Ulysses.

Batid ng alkalde na talagang mabababa ang lugar ng Marikina. 

Pero aniya, hindi naman sagot sa mga ganitong unos ang relokasyon ng mga residente. 

"Ang Marikina ang kabuuan nito ay isang catch basin talaga eh. Buong city ang ire-relocate mo? Hindi naman natin puwedeng gawin 'yun. Kasi ang Marikina ay isang established community na," ani Teodoro. 

    
—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.