Hot meals, hatid sa mga nasalanta ng 'Ulysses' sa ilang lungsod sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2020 08:36 PM

Bilang pantawid sa mga lumikas na residente, mainit na pagkain ang dinala sa kanila ng ABS-CBN. ABS-CBN News

MAYNILA - Nakalikas na sina Maribel Tuan bago pa man tuluyang malubog sa baha ang buong bahay nila sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City. 

Nakalikas sila ng kaniyang asawa at dalawang maliit na anak sa Bagong Silangan Elementary School na isa sa 3 evacuation center sa barangay na tinitirhan ng halos 400 residente. 

"Sobra pong bilis ng tubig, ma'am. Mababa lang po talaga 'yung bahay namin. Hindi ko po lubos maisip na ganoon. Ang dala lang po namin 'yung mga suot lang po namin," ani Tuan. 

Nag-aalala naman si Tuan sa kaniyang mga magulang sa San Andres, Catanduanes na hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balita matapos ang bagsik ng super typhoon Rolly sa lugar. 

"Nananawagan po ako na sana matulungan niyo rin po 'yung pamilya ko sa Bicol at kami rin po. Kahit kaunting tulong lang po sa pagpapagawa po ng bahay at sa mga anak po," paiyak na apela ni Tuan. 

Dalawang damit naman ng kaniyang 2 anak ang nadala ni Joan Flor sa pagmamadali niyang makalikas. 

Lumubog din sa baha ang kanilang bahay at kasama sila sa 7 pamilyang tumutuloy sa isang silid-aralan ng evacuation center. 

"Hindi namin sukat akalain na parang bagyong Ondoy pala itong nararanasan namin. Sobrang takot na takot kasi nagliliparan na sa labas 'yung mga bubong. Ultimo sentimo wala kami ngayon. Aasa lang kami sa relief talaga," ani Flor.      

Bilang pantawid sa mga lumikas na residente, mainit na pagkain ang dinala sa kanila ng ABS-CBN.

"'Yung mga binibigay lang naming tulong sa kanila pang-support lang araw-araw. Pero 'yung pagbalik nila, meron din sana silang dala. May lulutuin sila pagdating sa kanilang bahay," ayon sa barangay staff na si Israel Ramos. 

Dinalhan din ng lutong pagkain ang 500 pamilyang lumikas sa Barangay Rizal, Makati City, maging ang nasa 1,800 evacuees sa Concepcion Integrated School sa Marikina City.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.