Pagproseso ng insurance claims nais paspasan para trapiko maiwasan

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 07:53 PM | Updated as of Nov 13 2019 09:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Para mabawasan ang trapikong dulot ng banggaan, isinusulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pabilisin at palawakin ang proseso sa pagkuha ng vehicle insurance claims ng mga naaksidenteng motorista. 

Panukala ni MMDA General Manager Jojo Garcia na dapat atasan ang mga enforcer na magkasa ng initial investigation at gumawa ng sketch para agad maitabi ang mga nagbanggaang sasakyan - na ilan sa mga requirement ng insurance firms para makuha ng kliyente ang kanilang claim. 

Dito, hindi na raw kakailanganin pang hintayin ang pagdating ng pulis na magpoproseso ng mga report na kailangang ibigay sa mga insurance firm. 

Nais din ng MMDA na mabigyan ng comprehensive insurance imbis na third-party liability ang mga masasangkot sa aksidente. 

Inilatag ng MMDA ang plano kasunod ng pagbatikos ng ilang senador sa ilang insurance firms na nagpapa-delay umano sa pagproseso ng mga claims sa tuwing may naaaksidente sa daan. 

Kinakailangan pa kasi ang ilang requirements para maproseso ang claims gaya ng retrato, pulis na gagawa ng blotter, at iba. 

"'Daming retrato na puwedeng kuhanan na agad 'yun but they insist on staying there, causing traffic for everyone, when puwede naman magpalitan na ng calling card ng insurance at dapat insured lahat ng vehicles," ani Senate President Tito Sotto nitong Martes.

Para kay Senador Franklin Drilon, nagiging perwisyo sa kada partidong nasasangkot sa aksidente ang pahirapang pagkuha ng insurance. 

"Insurance companies would not want to automatically pay but litigate the claim in the hope that the claimant will give up," ani Drilon. 

"They are so good in collecting premiums but when it comes to payment of the claims they do everything in order that the insured will not be able to get the insurance processed that they paid for," dagdag niya. 

Sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority, nasa mahigit 300 ang aksidente kada araw sa Metro Manila. Aabot sa 47 dito ang mula sa EDSA. 

Para kay Senador Sonny Angara, dapat maglabas ng mga memo circular ang mga insurance companies para wala nang problema sa pagkuha ng insurance claims. 

Ayon sa MMDA, dapat agarang mapapanagot ang insurance companies na lalabag dito. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.