OFWs sa HK walang balak umuwi sa kabila ng tumitinding protesta

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 07:29 PM | Updated as of Nov 14 2019 03:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Redeployment pinag-aaralan sakaling kailangang i-evacuate ang OFWs

Maraming Pinoy ang gusto pa ring magtrabaho sa Hong Kong sa kabila ng mga marahas na engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at nagpoprotesta doon.

Umabot na nang 6 buwan ang mga protesta sa Hong Kong, na nag-ugat sa pagtutol sa isang panukalang batas pero ngayo'y naging mga panawagan na para sa demokrasya sa Hong Kong, na sakop ng China.

Sa kabila ng mga pag-tear gas, paluan at habulan sa pagitan ng mga awtoridad at mga nagpoprotesta, wala umanong balak umuwi si "Gigi," na 12 taon nang nagtatrabaho doon.

"Okay pa naman ang situwasyon dito sa Hong Kong, 'pag may rally lang magulo. So hindi ako nag-iisip na umuwi muna ng Pilipinas, dito muna ako," ani "Gigi."

May ilan namang nangangamba sakaling matagal pa ang mga protesta dahil sa mga employer na nagbabalak umalis sa Hong Kong kapag lumala pa ang situwasyon.

"Parang kinabahan ako kasi 'yong amo ko noon nasa holiday," ani "Sharon," na 16 taon nang overseas Filipino worker sa Hong Kong.

"Pagdating ng amo ko, magre-ready daw siya kasi any minute, kapag gumulo, 'yong aso at siya, uuwi ng [United Kingdom]," dagdag niya.

Wala pang employer na nagkakansela ng kontrata ng mga manggagawang Pinoy sa Hong Kong, ayon sa Society of Hong Kong Accredited Recruiters of the Philippines (SHARP).

Nasa Hong Kong ngayon ang grupo para suriin ang situwasyon.

Sakaling may employer umanong aalis ng Hong Kong, puwedeng isama ang kanilang mga Pinoy household worker sa isang kondisyon.

"Ipaalam sa ating Philippine Overseas Employment Office plus doon sa office ng ating Labor Attache. Iba 'yong kontrata, visa sa kanilang pupuntahan kaya ibang papeles ang ating isa-submit," ani SHARP President Alfredo Palmiery.

Nabawasan ng 10 porsiyento ang mga Pinoy na nag-apply para sa mga trabaho sa Hong Kong, ayon sa mga recruitment agency.

Sakaling dumating ang panahong kailangan nang i-evacuate ang mga OFW, pinag-aaralan na ng SHARP ang redeployment sa ibang bansa.

"Marami naman tayo mga alternative destination lalo na dito sa ating mga kalapit na bansa, sa Malaysia, Singapore, mayroon din sa Brunei," ani Palmiery.

Tiniyak naman ng konsulado ng Pilipinas na nananatiling ligtas ang mga Pinoy sa Hong Kong basta hindi sila sasali sa protesta. - Ulat ni Zen Hernandez sa Maynila at Jan Yumul sa Hong Kong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.