Lalaking nanggulo sa bahay ng dating kasintahan, patay sa tama ng bala

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 12:07 AM

SARRAT, Ilocos Norte – Isang lalaki ang patay sa tama ng bala matapos umano siyang manggulo sa bahay ng dati niyang kasintahan sa Barangay San Cristobal, Sarrat, Ilocos Norte nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Roliver Bangalan mula sa bayan ng Pamplona sa Cagayan habang ang suspek ay kapatid ng dating kasintahan ng nasawi.

Ayon sa pulisya, nagpunta sa bahay ng dating nobya si Bangalan habang lasing. 

"Ang victim natin is lasing. Pumunta sa bahay [ng biktima], nagwawala. Tapos ‘yung ate niya, ayaw naman lumabas kasi sabi niya natatakot kasi kapag lasing binubugbog siya," ani Police Capt. Carlo Abing, hepe ng Sarrat Police Station.

Hindi umano nagustuhan ito ng suspek at nakipagtalo kay Bangalan hanggang mauwi sa pamamaril.

“Kinumpronta ng suspek ang biktima at nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo. Habang nagtatalo sila, ay itong victim natin ay allegedly bumunot ng baril. Nag-away sila, nag-agawan," ani Abing.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib ang biktima na naging rason ng kanyang agad na pagkamatay.

Bukod sa ginamit na baril na pagmamay-ari ng biktima, narekober din ang isa pang baril at isang sachet ng marijuana sa kanyang bulsa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.