Lalaki natagpuang tadtad ng saksak sa motel sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 05:34 AM | Updated as of Nov 13 2019 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Natagpuang patay at tadtad ng saksak ang isang binata sa isang motel sa Santa Mesa, Maynila Lunes ng madaling-araw.

Nagtamo ng 8 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan si Darell Miana, 22 anyos.

Tinangay rin ng hindi pa kilalang salarin ang wallet, cellphone at motorsiklo ng biktima.

Kuwento ng nanay ng biktima, nagpaalam si Miana na pupunta ito sa kaibigan noong Linggo ng gabi.

"Sabi ko sa kaniya, huwag na, gabi na. Sabi niya, sandali lang naman," ani Cely.

Kinabahan siya nang hindi makauwi ang anak. "Madelay man siya ng pag-uwi, magte-text siya," aniya.

Pinuntahan nila ang kaibigang pupuntahan umano sana ni Miana pero hindi pala sila nagkita.

Inilagay rin nila sa social media ang larawan ni Miana para mapabilis ang paghahanap.

Pero Lunes ng madaling-araw natagpuan ang biktima sa kuwarto ng isang motel na duguan at wala nang buhay.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ng establisimyento, nag-check in si Miana na lulan ng motorsiklo at may lalaking angkas.

Sunod na nakita ay ang salarin na nagmamaneho ng motorsiklo habang palabas ng motel.

Sinita ito ng guwardiya dahil dire-diretso ang takbo dahilan para i-check ang pinanggalingang kuwarto. Doon na nadiskubre ang bangkay ni Miana.

Blangko ang pamilya kung sino ang pumaslang sa biktima. Nananawagan ang Manila Police District (MPD) na lumapit sa kanilang tanggapan ang sinumang makakikilala sa salarin na nakuhanan ng CCTV.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.