Lalaki nanloob sa paaralan sa Bacoor City; gadgets, pera tinangay

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 02:30 PM

BACOOR CITY, Cavite — Isang akyat-bahay ang umatake sa isang paaralan dito nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon kay Pastor Jhakeson Muñoz, school supervisor, nagulantang sila pagpasok Miyerkoles ng umaga nang makitang hindi na nakakandado ang mga silid-aralan. 

"May teacher na pumunta sa classroom. Nakita niyang may nag-break ng padlock. 'Yung teacher nagsisigaw eh. Pumunta rin kami sa kabilang classroom, wasak din. Umakyat din kami ng third floor, sira rin lahat ng padlocks doon," kuwento ni Muñoz.

Natangay ng suspek ang 2 laptop, 1 tablet, pera, at 4 na pares ng rubber shoes. 

Nang panoorin ang CCTV, natuklasang ala-1 ng madaling araw nanloob ang suspek.

Agad ibinigay sa mga awtoridad ang CCTV at doon nakilala ang suspek bilang si Allan Rey Calderon, 31.

Naaresto si Calderon at inamin niyang 6 beses na pala siyang nakapagnakaw sa school simula noong nakaraang taon. 

"Ako na lang po kasi nag-aalaga sa anak ko. Wala na pong iba," aniya.

Humingi rin ng tawad si Calderon sa pamunuan ng paaralan. 

"Gusto ko lang po sana patawarin niyo ako sa ginawa ko. 'Di na po ako uulit."

Kinasuhan na ang suspek ng robbery.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.