1 patay, 21 sugatan sa aksidente sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 12:52 AM | Updated as of Nov 13 2019 06:45 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

RIZAL (UPDATE)—Patay ang isang pasahero habang 21 iba pa ang sugatan matapos maaksidente ang kanilang sinasakyang jeep sa bayan ng Rodriguez, Rizal nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Estelita Sumulat, 62 anyos.

Ayon kay Genesis Torres, traffic enforcer ng lungsod, posible umanong nawalan ng kontrol ang drayber ng jeep sa palusong na bahagi ng zigzag road.

Sumalpok ang jeep sa kasalubong na Elf truck.

"Tumabi na nga kami pero inabot pa rin kami," ani Alicia Solis na sakay ng trak.

Galing Commonwealth Market ang jeep at patungong San Isidro nang mangyari ang insidente pasado alas-9 ng gabi.

Kuwento pasaherong si Leigh Ann Angeles, posible umano silang mahulog sa bangin.

"Suwerte na may truck. Kung hindi, nahulog na kami sa bangin," aniya.

"Akala ko 'di na ako uuwing buhay," pahayag ng pasaherong si Mer Nano.

Sagot naman ng may-ari ng jeep ang pagpapagamot sa mga sugatang pasahero.

Posibleng kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property ang drayber ng jeep.—Ulat nina Dexter Ganibe, Jervis Manahan at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.