'Di sobrang gambala': SEA Games traffic plan dry run nakakasa sa Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 02:59 PM | Updated as of Nov 13 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Magsasagawa sa Huwebes ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng dry run o pag-eensayo ng traffic plan na inilatag para sa nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games.

Simula ala-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon, ilang convoy ang dadaan sa EDSA, Taft Avenue, Roxas Boulevard, Macapagal Avenue, Quirino Avenue, Mindanao Avenue, North Avenue, Magallanes, South Luzon Expressway, at North Luzon Expressway.

Pero ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, hindi gaanong magagambala ng dry run ang mga motorista.

"Ang simulation bukas would be less inconvenient para sa ating mga motorista. Hindi po natin sila sobrang gagambalain kagaya ho ng kanilang pangamba na magiging sobrang traffic," aniya.

Epektibo ang "stop and go" scheme sa mga nasabing kalsada kapag dinaanan ng mga convoy.

Gagamitin din ng convoy ang yellow lanes, underpass at mga flyover, ayon kay Pialago.

Nasa 20 hotel sa Metro Manila ang tutuluyan ng mga atleta at iba pang delegadong manggagaling sa ibang bansa sa Southeast Asia, ayon sa MMDA.

Dalawang paaralan malapit sa mga venue ng palaro — ang De La Salle University at De La Salle-College of St. Benilde sa Taft Avenue — ang nagdeklara na ng suspensiyon ng klase simula Disyembre 2 hanggang Disyembre 6.

Hihintayin pa ng MMDA ang desisyon ng St. Scholastica's College, Arellano Law School, Wesleyan College, St. Paul College sa Pasig, at Saint Pedro Poveda College kung magsususpende rin ang mga ito ng mga klase.

Bagaman sa Nobyembre 30 nakatakda ang opening ceremony ng SEA Games, sisimulan na ang ilang palaro sa Nobyembre 23 sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Nasa 27,000 pulis ang itatalaga ng Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad sa mga venue ng palaro, hotel, at kalsadang dadaanan ng mga delegado.

"Handang-handa na tayo," ani PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernardo Banac.

Dagdag pa ni Banac ay wala pang natatanggap na banta sa seguridad kaugnay ng SEA Games.

Asahan ng publiko ang mas mabigat na daloy ng trapiko kapag nag-umpisa na ang mga palaro, ani Banac. -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games