Bagong pinuno ng Bilibid hospital nanawagan ng dagdag na doktor, gamit

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 07:27 PM

MAYNILA — Isang preso sa Bilibid ang namamatay kada araw, ayon sa bagong-talagang New Bilibid Prison (NBP) Hospital chief nitong Miyerkoles.

Ayon kay Dr. Henry Fabro, "kritikal" na umano ang sitwasyon ngayon sa Bilibid dahil sa bilang ng mga namamatay na bilanggo araw-araw. 

"In actual number, siguro mga once every day... I hate to say it’s usual pero nandun pa rin sa level na talagang critical tayo, talagang critical," ani Fabro.

Ang dahilan, kulang ang kagamitan at maging mga doktor.

Nasa 13 lang ang mga doktor sa mga Bureau of Corrections (BuCor) facilities sa buong bansa, 4 dito ang nasa NBP Hospital, kung saan nasa 40 lang din ang bilang ng mga nurse.

"I can really say it is poorly-equipped that’s why we’re asking help from other agencies," panawagan ni Fabro. 

Pinaiimbestigahan na rin ni Sen. Leila de Lima ang sinasabing hindi makataong sitwasyon sa NBP, matapos i-demolish ang ilang istruktura dito.

Ayon sa senador, 29 na preso ang namatay noong Oktubre dahil sa kakulangan sa pasilidad at tamang paggamot, bukod pa sa mababang budget sa pang-araw-araw na pagkain. 

Sampu umano dito namatay dahil sa pneumonia at tuberculosis, dagdag pa ng kampo ni De Lima. 

Bukas naman si BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag sa anumang imbestigasyon.

"Maganda yang finile ng ating senador para malaman ang katotohanan, di ba?" sabi ni Bantag.

Sa kaso naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), 300 hanggang 800 preso daw ang namamatay taon-taon sa kabuuang 136,000 na bilanggo sa buong bansa. 

"In terms of the medical practitioners inside the BJMP facilities, we have 478 facilities nationwide but we are only 12 as of now plus 2 psychiatrists," sabi ni Sr. Insp. Paul Borlongan, medical officer ng BJMP. 

Kaya panawagan ng BuCor at BJMP, magtalaga ang Department of Health ng dagdag na mga doktor sa mga kulungan para kalusugan ng mga preso ay matutukan. —Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.