4 ilegal na garbage dump sa Pampanga ipinasara ng DENR; LGU pinagpapaliwanag

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 02:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Apat na garbage dump sa Pampanga ang ipinasara noong Martes ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa ilegal na operasyon. 

Mismong mga tauhan ng DENR ang naghain ng cease and desist order laban sa mga open dump sa Lara Village sa San Fernando City, sa Maliwalo sa Bacolor, at sa Barangay San Jose Matli at Matli Dos sa Porac.

Natagpuan sa mga tapunan ang mga basura tulad ng plastik, diaper, styrofoam, at maging hospital waste.

Sa ilalim ng batas, bawal ang pagtatayo at pagme-maintain ng open dump.

Pinagmumulta ang operator ng mga ito ng P500,000 at hindi bababa ng 5 porsiyento ng kanilang taunang kita. 

Ipinatawag din ng DENR ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Pampanga para pagpaliwanagin sila kung bakit nakalusot ang ilegal na mga tapunan ng basura.

Kakasuhan ang sino mang mapatutunayang may pananagutan at nagpabaya kaya nakapag-operate ang mga open dump. 

—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.