MAYNILA (UPDATE) — Sinimulan ngayong Martes ng House committee on Labor na talakayin ang 2 panukalang batas na magpapatupad ng 4 na araw na work week, na inaasahang makatutulong para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada.
Parehong itinutulak ng House Bill (HB) 1670 ni Deputy Speaker Luis Raymund "LRay" Villafuerte at HB 1904 ni Bagui Rep. Mark Go ang compressed work week.
"The flexibility in work arrangement could help ease the worsening state of traffic," ani Go sa deliberations.
Hinimok naman ng minorya ang Palasyo na pag-aralan ang pagpapatupad ng compressed work week para sa ilang ahensiya ng gobyerno.
"I suggest that the Palace consider the feasibility of doing this during the holiday Season. This could also serve as a trial period to assess if such a scheme can work long-term," ani House Minority Leader Bienvenido Abante Jr.
Wala namang problema sa Department of Labor and Employment at Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang panukala basta optional ito.
"The law shall only enable the companies and workers to adopt the flexible work arrangement," ani Labor Assistant Secretary Benjo Benavidez.
Nangangamba naman si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na mabawasan ang suweldo ng mga manggagawa dahil araw ng trabaho ang basehan ng sahod.
"May 3 araw ka ngang pahinga, wala ka namang kikitain doon," aniya.
Ayon sa labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU), mainam na gawing pantay ang suweldo ng mga manggagawa sa loob at labas ng Metro Manila para hindi dumagsa sa capital ang mga naghahanap ng magandang suweldo.
Maaari rin umanong maapektuhan ang kalidad ng trabaho at kalusugan ng mga manggagawa kung pahahabain ang oras sa trabaho para bawiin ang mga nawalang araw ng trabaho.
"Sa loob ng kaniyang pagtatrabaho within 12 hours, baka di siya makapagtrabaho nang maayos. Makakaapekto 'yan sa quality ng produkto na ginagawa," ani KMU Vice President Lito Ustarez.
Inihirit din ni Iloilo Rep. Janette Garin na huwag na lang pagsabay-sabayin ang oras ng trabaho para hindi sabay-sabay ang pag-commute ng mga manggagawa.
"Rather than a 4-day work week baka pwede natin balikan na lang 'yong mag-aadjust ka ng ofice time," ani Garin.
"If there are offices who can do part of their work on a weekend, that can possibly be also looked into," aniya. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Kamara, HB 1670, HB 1904, compressed work week, trapiko, Edsa traffic, Mark Go, Bienvenido Abante Jr, Carlos Zarate, Janette Garin, labor, DOLE, ECOP, TV Patrol, RG Cruz