2 patay, 2 sugatan sa pagtagilid ng trak sa Agusan del Norte

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 08:26 PM

Kuha ni Raffy Ompoc

BUENAVISTA, Agusan Del Norte- Patay ang dalawang pahinante matapos mahulog at maipit ng sinasakyang truck na tumagilid sa Barangay Lower Olave dito sa bayan Martes ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kargado ng saging ang truck, na nawalan ng preno habang tinatahak ang pababa na kalsada.

Kaya't upang maiwasang may iba pang motoristang madamay, ibinangga ito ng driver sa bukiring bahagi sa gilid ng kalsada.

Wasak ang truck at tumilapon ang apat na sakay na pahinante na noo'y nasa ibabaw ng truck.

Nang tumagilid ang truck, naipit ang mga nasawi na sina Jonas Cabag at Vergilio Aboyba, Jr.

Patay na ang mga biktima ng ma-rescue habang sugatan naman ang kasamahan nilang sina Jerome Barasan at Eldie Rebita, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Ayon sa pulisya, walang tinamong galos sa katawan ang driver na si Jonas Destreza at agad nakalabas mula sa truck matapos ang aksidente.

Galing umano sa Barangay Simbalan ang truck at papunta sana sa Butuan City upang maghatid ng saging sa isang tindahan.

Kinasuhan na ng reckless imprudence resulting in homicide si Destreza.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.