PatrolPH

1 sa 14 nawalang mangingisdang pumalaot sa Scarborough Shoal, ligtas na nakauwi

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 01:22 AM

1 sa 14 nawalang mangingisdang pumalaot sa Scarborough Shoal, ligtas na nakauwi 1
Kuha ni Bayan Patroller Ryan Jorge

Isa sa 14 mangingisda na nawala sa dagat noong kasagsagan ng bagyong Quiel ang nakauwing ligtas sa kaniyang pamilya sa Bataan nitong Martes matapos sila pumalaot sa Scarborough Shoal noong Nobyembre 6.

Ayon kay Angelito Espetito Jr., pauwi na sila noon ng biglang lumakas ang epekto ng bagyong Quiel sa bahagi ng Scarborough malapit sa Palawan. Sunod-sunod na hampas ng malalakas at higanteng alon ang tumama sa kanilang bangka hanggang sa tuluyan nang lumubog ito.

"Nabigla na din po yung kapitan namin, kaya hindi narin po nakapagpatabi agad," ani Espetito.

Aniya, nahiwalay siya sa mga kasama niya. Hindi makapaniwalang nakaligtas ang mangingisda.

“Palutang-lutang, dalawang araw kong ininom sarili kong ihi," ani Espetito.

Mula Palawan, kung saan lumubog ang kanilang bangka, lumutang siya hanggang sa Subic sa Zambales kung saan siya nakita ng mga dumadaang bangka, bago itinurnover sa Coast Guard.

Lubos ang pagpapasalamat ng ina ni Angelito ng muling nakita ang anak. Aniya, ipinagdarasal din niya na makita pa ang mga kasama nito.

Ang mga nawawala pang mga kasama ni Espetito ay sila: 

  • Ronilo Epetito
  • Bobby Gabales
  • Cristian Gabales
  • Dondon Narciso Epetito
  • Jerry Mantoring
  • Jerry Villaruel
  • Ariel Epetito
  • Frederick Falogme
  • Jeffrey Abayin
  • Almar Binoca
  • Ruel Gueico
  • Joel Negrido
  • Captain Lauriano Delos Santos

Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation para sa mga nawawalang mangingisda.

- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.