Pag-aresto kay Imelda, hiniling ng mga biktima ng batas militar

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 05:32 PM | Updated as of Mar 02 2020 11:57 AM

Hiniling ng ilang biktima ng martial law sa Sandiganbayan ngayong Martes ang paglabas ng warrant of arrest laban kay dating First Lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos para sa kasong graft.

Kabilang sa mga nangalampag sa Sandiganbayan ang ilang biktima ng batas militar na nasa edad 60 hanggang 70 anyos, at mga grupong Bayan Muna, Selda, at Desaparecidos.

"Mga magnanakaw! Kaya kami ngayon ay pumoposisyon, ikulong, ikulong si Imelda Marcos," sigaw ng 69 anyos na demonstrador na si Danny Dela Fuente.

Watch more in iWantTFC

Hinatulang "guilty" noong Biyernes ng Sandiganbayan si Marcos sa pitong counts ng graft dahil sa paggamit niya sa kaniyang posisyon sa gabinete upang magpanatili ng mga Swiss bank account noong panahon ng pamumuno ng kaniyang asawa, ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos.

Sinentensiyahan ng Sandiganbayan si Imelda ng hindi bababa sa anim na taong pagkakakulong at perpetual disqualification sa paghawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.

Binatikos din ng mga demonstrador sa Sandiganbayan ang sinabi ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde na isasaalang-alang nila ang edad at kalusugan ni Marcos, 89, kapag siya ay pinaaresto.

"Itong si Albayalde kinukundisyon ang isipan ng taumbayan, nakakaawa si Imelda," sabi ng 70 anyos na si Pido Gonzales.

"Sinasabi nila na bigyan ng konsiderasyon, walang matanda, walang bata, dapat 'pag nagkasala ka, dapat ikulong," sabi naman ni Felix Dalisay, 66.

PNP, NAGPALIWANAG

Pero nilinaw ng PNP ngayong Martes ang pahayag ni Albayalde at sinabing "taken out of context" ang mga ito o nabigyan ang mga ito ng ibang kahulugan.

"[Albayalde] is saying that we have to consider the age and the health of Rep. Marcos in the manner we prepare and execute the arrest of the convicted person," sabi ni PNP spokesperson Senior Superintendent Benigno Durana Jr.

"Hindi 'yang age and health ang factors to consider whether to arrest or not," ani Durana. 

Tiniyak din ng PNP na sa oras na ilabas ang warrant para kay Marcos ay handa silang isilbi ito.

Bukod sa hinatulang kasong kriminal ng Sandiganbayan, nakatakda ring maglabas ng desisyon ang Sandiganbayan sa P200 bilyon civil case ng pamilya Marcos. Sakop nito hindi lang si Imelda kundi pati ang mga anak niyang sina Bongbong, Imee, at Irene.

Tumayong Minister of Human Settlements at miyembro rin ng Interim Batasan Pambansa si Imelda noong panahon ng pamumuno ng kaniyang asawa, mula 1965 hanggang 1986.

Sinasabing ginamit ng pamilya Marcos ang mga Swiss bank account upang itago ang kanilang mga ninakaw na pera mula sa gobyerno. 

Sa tantiya ng Presidential Commission on Good Government, aabot sa "US$5 billion to US$10 billion" ang halaga ng yamang ninakaw umano ng pamilya Marcos. -- May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.