Nanay na 'minomolestiya' ang mga anak para sa cybersex, arestado

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 02:35 AM | Updated as of Nov 13 2018 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

GENERAL SANTOS CITY - Arestado Lunes ng gabi sa General Santos City ang isang nanay na umano'y minomolestiya ang kaniyang mga anak at kinukuhanan pa ng video para ibenta sa mga banyagang kliyente.

Nasagip naman ang kaniyang 2 anak matapos i-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang bahay.

"Kasi tinakot po ako ng lalaking nagpakuha sa akin ng video. 'Pag hindi ko daw ginawa lahat ng sinasabi niya, ikalat niya daw 'yung video na binigay ko," depensa ng suspek.

Ayon sa NBI, ini-report ng National Center for Missing and Exploited Children, isang non-profit organization sa Amerika, sa Department of Justice (DOJ) ang ilegal na gawain ng suspek.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Itong subject may ginawang lascivious act o sexual acts dito sa mga biktima, which is anak niya rin," ani Vernon Joel Firmalino, special investigator ng NBI Region 12.

Ipinapadala umano ng suspek sa mga kliyente sa ibang bansa ang mga malalaswang larawan at video.

"May mga market kasi ito sila sa labas. Mga nasa Western countries, meron allegedly sa Japan, at ito ginagawa niya for monetary consideration. Ibig sabihin binabayaran siya dun sa mga ginagawa niya," dagdag ni Firmalino.

Ayon naman sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), hindi na bago ang mga ganitong kaso ng pang-aabuso sa mga bata.

"Sinasabi ng mga parents eh dahil mahirap sila, pero hindi naman excuse 'yun na gagawan ng ganun 'yung mga bata, lalong lalo na ang sarili mong anak," ani Rebecca Magante, head ng CSWDO ng GenSan.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009, RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at RA 10364 Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.