PatrolPH

Disenyo ng 'Stairway to Heaven' babaguhin; taas pananatilihin

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 06:30 PM | Updated as of Nov 13 2018 07:24 PM

Watch more on iWantTFC

Napagdesisyunan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na baguhin ang disenyo ng footbridge sa Quezon City kasunod ng pag-aaral nila sa mga puna at batikos sa social media na mala-"Stairway to Heaven" ang taas nito. 

Disenyo ng 'Stairway to Heaven' babaguhin; taas pananatilihin 1
'Starway to Heaven' footbridge sa Kamuning, Quezon City, may bagong disenyo. Screengrab

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na lalagyan ng pangalawang landing at railing o harang ang tulay para tugunan ang problema sa pagkatarik at pagkakipot ng footbridge. 

"Noong may nagpadala sa amin ng bagong disenyo, pinaaral namin sa engineering at mukhang ayos naman," aniya sa isang press briefing. 

Pero giit ni Garcia na hindi babaguhin ang nasa 40 talampakang taas nito. 

May plano dapat lagyan ng escalator o elevator ang footbridge ngunit hindi ito pasok aniya sa budget ng proyekto. 

Dahil sa pagbabago ng disenyo, posible ring maurong ang Nobyembre 27 na opening ng footbridge. Pero tiniyak ng MMDA na pabubuksan nila ito bago matapos ang 2018. 

Kinlaro rin ni Garcia na opsiyon lamang ang footbridge para sa mga nagmamadaling makatawid patungong NIA o Scout Borromeo at maaari naman daw tumawid sa isa pang tawiran ilang metro ang layo sa itinatayong footbridge. 

Mas mabuti rin aniya ang ganito kaysa makipagpatintero sa mga sasakyan sa EDSA. 

Hindi rin gagalawin ang spiral staircase sa footbridge ng EDSA-Ortigas papuntang Mama Mary Shrine at iginiit ni Garcia na mga pasahero lamang mula sa provincial buses ang pinapadaan sa naturang fotbridge. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.