Dalagita, hinalay ng tatay-tatayan sa motel sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 05:21 AM | Updated as of Nov 13 2018 07:20 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki matapos niyang halayin ang isang dalagita sa Quezon City.

Kuwento ng biktima, Nobyembre 11 ng gabi nang yayain siya ng suspek na makipag-inuman sa bahay nito. Sumama siya dahil tiwala siya rito dahil tinuturing niya itong tatay-tatayan.

Habang tumatagal ang inuman, nahilo ang biktima at pumunta sa banyo. Pero pumasok umano ang kaibigan ng suspek at pinagsamantalahan siya.

Matapos ang inuman, isinama raw ng suspek ang biktima sa isang motel. Hinang-hina na siya kaya't hindi na nakatanggi. Dito siya pinagsamantalahan ng kaniyang tatay-tatayan.

"'Pag gising ko po, wala na po akong damit. Sinabi ko po sa kaniya na 'wag na pero ginalaw pa rin po niya ako," aniya.

Sa presinto, inamin ng suspek ang kaniyang ginawa. Depensa niya, nagpabayad umano ang biktima ng P1,000.

Dagdag ng suspek, handa raw siyang pakasalan ang dalagita na ikinagalit ng biktima.

"Hinding hindi ko po papakasalan 'yan. Mabulok siya sa kulungan habangbuhay," sumbat ng biktima.

Ayon kay Senior Insp. Randy Llanderal ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, positibong hinalay ng suspek ang biktima.

"Base po sa medical, meron po siyang lacerations at may kiss mark na iniwan," aniya.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 o The Anti-Rape Law of 1997.

Patuloy ring pinaghahanap ng mga pulis ang kaibigan ng suspek. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.