Balangiga Bells, 'pauwi na' sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 05:23 PM | Updated as of Nov 13 2018 07:53 PM

 Balangiga bells sa Francis E. Warren Air Force Base Sa Cheyenne, Wyoming. File photo

Sinimulan na ng Estados Unidos ang prosesong magbabalik sa Pilipinas ng tatlong Balangiga Bells na tinangay ng mga Amerikanong sundalo mula sa simbahan ng Eastern Samar sa kasagsagan ng Philippine-American War noong 1902. 

Watch more in iWant or TFC.tv

 

Ani Dr. Rolando Borrinaga ng Committee on Historical Research ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), gaganapin ang repatriation ceremony ng dalawa sa mga kampana sa Nobyembre 15, sa Francis E. Warren Air Force Base Sa Cheyenne, Wyoming, kung saan naka-exhibit ang mga ito. 

"This will mark the beginning of the journey of the two Wyoming bells back to the church from which they were taken. The Wyoming bells will now be able to begin their journey home," aniya. 

[Ito ay tanda ng simula ng paglalakbay ng dalawang Wyoming bells pabalik sa simbahan kung saan kinuha ang mga ito. Makakauwi na ang Wyoming bells.] 

Inihahanda na ring ibalik sa Pilipinas ang ikatlong kampana na nakalagak US Army museum sa South Korea. 

Kinumpirma ng US Embassy sa Maynila na noong Agosto pa ay nasabihan na ng US Defense Deparment ang kanilang Kongreso tungkol sa intensiyong ibalik sa Pilipinas ang mga kampana ng Balangiga. 

Ihahanda muna ang mga kampana para sa biyahe ngunit wala pang eksaktong petsa kung kailan ito darating sa Pilipinas. 

Ayon sa historyador na si Xiao Chua, mahalaga ang naging papel ang pagbalik ng mga kampana sa pagkamit ng hustisya ng mga biktimang sinunog at pinaslang sa Balangiga Massacre, kung saan napagkamalang may kakayahang magdala ng armas ang mga pinaslang ng mga sundalo. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinatuwa ni Alicia Valdenor ang nakaambang pagbalik ng mga Balangiga Bells, na isa sa mga yaman ng kasaysayan sa kanilang lalawigan matapos ang higit 100 taon. 

"The first bell was made out of donations from the people... That was why it is very hard for us to part [with] that artifact, and we are very much eager to see it, to touch it, and to embrace it, to do whatever we can," ani Valdenor, apo ng isa sa mga lumabang sundalo. 

Ibabalik ang kampana sa belfry na dating pinaglagyan ng mga kampana bago ito tangayin ng mga sundalo. 

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ikinagalak ng Malacañang ang ano mang usad sa pagbalik ng mga kampana sa Pilipinas, na simbolo aniya ng sakripisyo ng libo-libong Pilipinong namatay sa digmaan. 

Magugunitang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address noong 2017 ang pagbalik ng tatlong kampana sa Pilipinas. 

"The President himself, in his second [SONA], expressed his desire for the return of these bells explaining that they form part of our country's patrimony and they were taken at the cost of bloodshed of thousands of Filipinos," aniya sa isang pahayag. 

Pero dagdag ni Panelo na hindi na muna sila magbibigay ng iba pang komento hangga't naibalik na ang lahat ng mga Balangiga bells sa bansa. 

Tikom naman ang bibig ng Department of National Defense sa usapin hangga't hindi pa tuluyang naibabalik na ang mga kampana sa Pilipinas. 

-- May ulat ni Don Tagala, Jorge Cariño, at Jeanette Ruedas, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.