Trapik sa Baguio nagsikip sa pagdagsa ng mga turista

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 03:58 PM | Updated as of Nov 13 2017 04:53 PM

BAGUIO - Nagsikip ang trapik sa mga pasyalan sa lungsod na ito, Lunes, kasabay ng pagdagsa ng mga turista mula sa Metro Manila, kung saan nagdeklara ng long weekend.

Idineklara ng pamahalaan na special non-working days ang Nobyembre 13 hanggang 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga para bigyang-daan ang mga aktibidad para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.

Kasabay ng holiday, nadagdagan ng halos 60 porsiyento ang bilang ng mga sasakyang umiikot sa "City of Pines," ayon sa traffic management unit ng Baguio police.

Nahirapan naman ang ilang turista sa pagsakay ng taxi kaya napilitan nang maglakad ang iba.

Inaasahan ng mga awtoridad na mananatiling mabigat ang trapik hanggang Biyernes.
 
Sinuspinde muna ng lokal na pamahalaan ang pagbabawal sa pagparada ng mga sasakyan sa ilang kalsada.

Gayunman, inoobserbahan pa rin ang number coding sa lungsod.

Naka-full alert din ang Land Transportation Office para suriin ang mga sasakyang paakyat at palabas ng Baguio.

Ilang motorista na ang nahuli matapos mabigong makapagpakita ng registration papers para sa kanilang sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.