'Sonic weapon', tubig, ipinantapat sa mga nagprotesta

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 10:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sugatan ang 56 demonstrador at 21 pulis sa kanilang girian sa pagbubukas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit nitong Lunes.

Mabilis na umakyat ang tensiyon nang magpang-abot ang mga nagprotesta at mga pulis sa Taft Avenue at Padre Faura sa Maynila.

Binomba ng mga pulis ng tubig ang mga demonstrador na dadaan sana sa Buendia para makalapit sa venue ng ASEAN Summit.

Hindi nasindak sa water cannon ang mga nagra-rally na paulit-ulit sumugod sa mga pulis.

Ang mga pulis, gumanti na rin at nakipagbalyahan at pukpukan sa mga nagra-rally.

Naagawan ng shield ang isang pulis kaya nambato na rin siya ng placard na nahablot niya.

Maya-maya, nanapak na ng pulis ang demonstrador. Mayroon ding nandura.

Kaya ginamit na ng pulisya ang secret weapon nila: ang nakaririnding tunog na layong madiskaril ang mga nagpoprotesta. 

Ito ang ikalawang paggamit ng tubig laban sa mga aktibista sa loob ng dalawang araw din ng mga rally. Pero ito ang unang pagkakataon na gumamit ng 'sonic weapon' na Long Range Acoustic Device (LRAD), ayon kay Renato Reyes, secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Nakapananakit ang LRAD sa pamamagitan ng tunog.

Gusto ngayon ng Bayan na paimbestigahan ang paggamit ng naturang sonic weapon.

Matapos naman ang girian, sinunog ng mga demonstrador ang effigy nina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump.

Nang makaalis na ang mga nag-rally, mga pulis na rin ang naglinis ng naiwang kalat sa lugar.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.