Sangkot sa budol, sumama pa sa bangko, hagip sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 10:32 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Matinding depresyon ang naramdaman ng biktimang si "Ria" matapos matangayan ng budol-budol gang ng milyon-milyong piso.

Lumapit kay Ria ang dalawang grupo ng buyer na gustong bilhin ang kanyang P59 milyong property.

Nagpakilalang importer ang unang grupo habang mga exporter ng hipon naman ang pangalawa.

Sa kagustuhan ni Ria na mabili ang kaniyang property, tinulungan niya ang grupo ng exporter na naghahanap ng 'ultra-prawn booster'.

Nakakuha siya ng produkto sa unang grupo pero hindi siya naghinala na magkasabwat sila. 

Pumayag si Ria na abonohan muna ang produkto dahil akala niya'y maibabalik ang pera niya't komisyon.

Nagpalipat-lipat siya ng bangko para mag-withdraw ng P3.5 milyong.

Sa kuha ng CCTV sa isang bangko, makikitang kasama ni Ria ang nagpakilalang "Alex" na kumuha ng pera mula sa teller.

Bukod sa naibigay na tatlong mamahaling bag na nagkakahalaga ng P200,000, naglipat din si Ria ng P150,000 sa isang 'Jofery Barba'. 

Pinagdeposito rin ang biktima ng P1 milyon sa account ng isang 'Albert Delos Reyes'. 

Natuklasan ni Ria na payroll account ito sa pinapasukang kumpanya ni Delos Reyes.

Tumanggi si Delos Reyes na pumunta sa tanggapan ng pulisya nang imbitahin pero iginiit nitong pera umano ng kaniyang tiyahin ang nakuhang pera, na galing pa sa money changer. 

Inutusan din si Ria na magdeposito ng P2 milyon sa account ng isang 'Paulo Carolino'.

Pero nakahalata na noon si Ria at P500 lang ang idineposito niya.

Kasama si Carolino sa apat na kinasuhan ni Ria ng syndicated estafa.

Pero itinanggi ni Carolino na sangkot siya sa pagbudol-budol kay Ria.

Magsasampa rin daw si Carolino ng kaso sa pagdawit sa pangalan niya sa kaso.

Naka-transaksiyon din ni Ria ang dalawang nagpakilalang inhinyero na una nang itinuro ng iba pang biktima ng budol-budol.

Mga napagkamalan, magkakilala?

Samantala, lumutang sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group si Henry Macalintal para linisin ang kanyang pangalan.

Si Macalintal ang nagpakilalang may-ari ng retratong unang kinilala ng biktimang si Leonardo Austria bilang "Vince."

Itinanggi ni Macalintal na may kinalaman siya sa modus.

Nilinaw din ni Austria na hindi si Macalintal ang nakaharap niya.

Lumutang din nitong Sabado, Nobyembre 11, si Lucy Rabuyo matapos ring ituro ni Austria.

Pero binawi muli ni Austria ang paratang nang makaharap si Rabuyo.

Aminado si Austria na napagkamalan nito si Rabuyo.

Napag-alamang batchmates noong high school sina Macalintal at Rabuyo.

Kinasuhan na rin dati sina Macalintal at Rabuyo dahil sa pambubudol ng P3.7 milyong piso sa isa namang taga-Cavite gamit ang produktong tuna preservatives. 

-- Ulat nina Dominic Almelor at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.