Mga motoristang gagamit ng ASEAN lanes, aarestuhin

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 11:04 AM | Updated as of Nov 13 2017 12:22 PM

MANILA - Aarestuhin ng pulisya ang mga motoristang gagamit sa ASEAN lanes, tulad ng ginawa ng beauty queen at aktres na si Isabel Lopez, inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Lunes.

Sa mga post sa Facebook at Instagram, ikinuwento ni Lopez na tinanggal niya ang ilang traffic cone upang makabiyahe sa bahagi ng EDSA na nakareserba para sa mga delegado ng ASEAN.

"MMDA thinks I’m an official ASEAN delegate. If you can’t beat ‘em, join them," ani Lopez sa caption ng ilang video.

Inalerto na ng MMDA ang pulisya para hulihin at i-impound ang mga sasakyan na ilegal na bibiyahe sa ASEAN lane, sinabi sa press conference ni Emmanuel Miro, pinuno ng MMDA Task Force ASEAN.

Dagdag ni Miro, irerekomenda ng MMDA ang kanselasyon o suspensyon ng driver’s license ni Lopez sa Land Transportation Office (LTO).

Lumabas aniya sa inisyal na imbestigasyon na pumasok si Lopez sa ASEAN lane sa bandang Ortigas Avenue at Shaw Bouelvard sa EDSA nitong Sabado ng gabi.
 
"Delikado yung ginawa niya na yun dahil assuming na may parating na head of state at naka-alerto yung ating security, may snipers. Eh, mapagkamalan siyang terorista doon, baka may mangyari sa kanya na di maganda," sabi ni Miro.

Sinabi naman ng LTO na ipatatawag nito si Lopez dahil sa reckless driving, at paglabag sa traffic signs at Anti-Distracted Driving Act.

Ulat ni Mike Delizo, ABS-CBN News