Mga harang sa ASEAN lane sa EDSA-southbound, aalisin na

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 05:48 PM

Ipinag-utos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes ang pagtanggal ng mga harang sa southbound lane ng EDSA na itinalaga para daanan ng mga delegado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Ayon kay Emmanuel Miro, pinuno ng MMDA Task Force ASEAN, hindi na kailangan ang mga barrier dahil tatahak na lang patungong norte ang iba pang aktibidad para sa ASEAN Summit.

Nilinaw naman ni Miro na mananatili ang mga barrier sa ASEAN lane ng EDSA northbound.

Dagdag ni Miro, nauunawan ng mga awtoridad ang hinaing ng mga motorista sa ASEAN lane kaya agad nila itong aalisin kapag hindi na kailangan.

"We are not insensitive sa plight ng ating mga motorista. Kung kailangan alisin natin agad, aalisin natin agad," ani Miro.

Nitong Linggo, Nobyembre 12, binuksan sa mga pribadong motorista ang parehong northbound at southbound ASEAN lanes sa EDSA para mabawasan ang trapiko.

Bago nito, pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na iwasan muna ang EDSA dahil iyon ang pangunahing kalsadang dadaanan ng mga delegado.

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialogo, libo-libong motorista ang naipit sa limang oras ng mabigat na trapiko nitong Sabado, Nobyembre 11.
 
Lumala pa aniya ang sitwasyon dahil sa 23 na aksidenteng naitala sa EDSA noong parehong araw.

-- Ulat nina Michael Delizo, Maan Macapagal at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.