Matadero nagpakilalang pulis, nangutang sa mga vendor

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 10:29 AM

MANILA - Inaresto ang isang matadero sa Davao City, Linggo ng gabi matapos magpanggap na pulis at mangutang sa mga vendor.

Nitong Nobyembre 3 nagsimulang magpakilala ang suspek na si Romeo Mara Jr., 33, bilang intelligence operative ng San Pedro police.

Mula noon, hindi na binayaran ni Mara ang mga balut at durian na kanyang inutang, ayon sa ilang vendor. Nakapangutang din umano siya sa ilang police auxillary na inakalang kasamahan nila ang suspek.

"Inakala talaga nila na pulis kasi magaling siya makipag-usap, pero kalaunan sa parati niyang pangungutang, nabulabog na siya," sabi ni PO1 Betwel Genelo.

Nilinaw naman ng San Pedro police na hindi nito kawani si Mara.

Humingi ng tawad ang suspek sa mga naloko niya at nangakong babayaran sila.

Aniya, "Marami akong kilala na pulis. Gusto ko talaga mag-pulis, humihingi ako ng patawad sa kanila."

Nakatakdang sampahan ng kasong swindling at usurpation of authority si Mara. Ulat ni Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.