Maria Isabel Lopez pinatatawag ng LTO dahil sa 'ASEAN lane breach'

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 04:43 PM | Updated as of Nov 13 2017 05:37 PM

MAYNILA - Ipinatatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang aktres na si Maria Isabel Lopez dahil sa pagdaan niya sa bahagi ng EDSA na nakalaan lamang sa mga delegado ng ASEAN Summit.

Sa show cause order ng LTO ngayong Lunes, pinagpapaliwanag rin ng ahensiya ang dating beauty queen kung bakit hindi dapat suspendehin o kanselahin ang lisensiya nito.

Una nang inirekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority sa LTO na i-revoke o tuluyang kanselahin ang lisensiya ni Lopez dahil sa paggamit ng ASEAN lane nitong Sabado.

Ipinunto ng MMDA na tahasang paglabag sa batas trapiko ang ginawa ni Lopez, partikular na ng batas sa traffic light at sa Anti-Distracted Driving Act.

Naging kontrobersiyal ang paggamit ni Lopez ng ASEAN lane dahil ikinuwento pa niya ang kaniyang ginawa sa social media. Ginamit ni Lopez ang ASEAN lane sa kasagsagan ng matinding trapiko. 

Humingi na ang tawad si Lopez at sinabing "call of nature" ang dahilan kaya niya ito ginawa. Pero sabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago, hindi ito sapat para iatras nila ang kaso. --ulat mula kay Alvin Elchico, ABS-CBN News