Lalaking may bitbit na baril papasok ng Clark Freeport, arestado

Pauline Manalo, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 05:24 PM

ANGELES CITY - Arestado ang isang 37 taong gulang na lalaki matapos mahulihan ng baril at mga bala habang papasok sa Clark Freeport noong Biyernes, isang araw bago dumating ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Clark International Airport.

Kinilala ang suspek na si Laurence Anthony Vicedo. Papasok sana siya sa Clark Freeport nang masabat siya sa isang checkpoint.

May dala siyang isang bag na may lamang isang kalibre .45 na baril at mga bala.

Bagama't may dalang kaukulang mga dokumento si Vicedo, nadetine pa rin ito sa tanggapan ng pulisya.

Naglabas ng memorandum ang Philippine National Police (PNP) kung saan sinususpinde ang lahat ng permit to carry firearms outside residence mula November 1 hanggang November 15 para sa ASEAN Summit.

Tumangging humarap sa kamera si Vicedo, na haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.