Kanselasyon ng lisensiya ni Maria Isabel Lopez pormal nang hiniling ng MMDA

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 12:32 PM | Updated as of Nov 13 2017 03:49 PM

MAYNILA - Pormal nang hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority ang revocation o tuluyang pagkansela ng driver's license ng aktres na si Maria Isabel Lopez, Lunes ng umaga.

Ito ay matapos gumamit ng "ASEAN Lane" ang dating beauty queen nitong Sabado para makaiwas sa matinding trapiko. Ikinuwento pa ni Lopez ang kanyang ginawa sa isang Facebook post.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na ang ASEAN Lane sa bahagi ng Ortigas at Shaw Boulevard ang ginamit ni Lopez. Ang kalyeng ginamit ni Lopez ay nakalaan sa mga delegado ng ASEAN Summit.

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, inilagay sa alanganin ni Lopez ang kapakanan ng ibang motorista sa paggamit sa ASEAN lane at maaari pa siyang mapagkamalang banta sa seguridad.

Hindi rin umano sapat ang paghingi ng paumanhin ng aktres upang hindi ituloy ang kaso, hindi sila naniniwala na "call of nature" ang dahilan ng pagpasok ni Lopez sa kalyeng pang-VIP.

Sabi ni Pialago, may CCTV footage at iba pang ebidensyang hawak ang MMDA laban kay Lopez ngunit ipepresenta na lang nila ito habang dinidinig ang kaso.