'Diskarte sa APEC traffic noong 2015, inulit ni Duterte sa ASEAN'

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 10:22 PM | Updated as of Nov 13 2017 11:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinuna ng isang transport group ang naging traffic scheme sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa matinding trapikong idinulot ng pagsasara ng ilang lanes sa EDSA noong Sabado, Nobyembre 11.

Ayon sa grupong PISTON, sana'y sinunod ni Duterte ang sariling payo noon na sa Subic idaos ang mga pulong gaya ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit para hindi maabala ang mga pasahero't motorista.

"Kahit walang pasok at klase ay matindi po ang trapik dahil sa mga unnecessary dedicated lanes at mga kalsadang isinara ... I remember nung 2015, minura ni Duterte si PNoy (Benigno "Noynoy" Aquino III) dahil pinasara ni PNoy ang maraming kalsada dahil sa APEC," pahayag ni George San Mateo, pinuno ng PISTON.

"Sabi ni Duterte, doon dapat sa Subic ginawa ang APEC para 'di naperwisyo ang mga commuters at motorista. Ironically, yung ginawa ni PNoy nung 2015, ganoon din ang ginawa ni Duterte ngayong ASEAN summit," dagdag pa nito.

Pebrero 2016 nang magalit si Duterte, na noo'y kandidato pa lamang sa pagkapangulo, dahil sa trapikong idinulot ng pagsasara ng ilang kalsada para sa 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Nitong Sabado, maraming motorista ang naipit nang halos limang oras sa kalsada dahil sa pagsasara ng ilang lane sa EDSA para daanan ng mga delegado ng ASEAN.

Tumukod ang trapiko at nagdugtong mula NLEX hanggang SLEX.

Maraming pasahero ang na-stranded dahil nahirapang bumiyahe ang mga bus.

Ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, kinailangan ang ganoong traffic scheme para matiyak ang seguridad ng mga delegado ng ASEAN.

"Kami po ay humihingi ng dispensa at mas mahaba pang pag-unawa, we cannot compromise security over traffic... Ang ASEAN Summit naman ho ay... tayo rin ang makikinabang," ani Pialago.

Aktres, pumasok sa ASEAN lane

Umani naman ng batikos ang aktres na si Maria Isabel Lopez dahil sa kaniyang pagsuway sa patakaran upang makaiwas sa trapiko noong Sabado.

Sa kaniyang Facebook post, tila ipinagmalaki pa ni Lopez ang pagtanggal niya sa traffic cone para makapasok sa ASEAN lane.

Nitong Lunes, Nobyembre 13, inirekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office na kanselahin ang lisensiya ng aktres. 

Ito'y dahil sa reckless driving at paglabag sa Anti-Distracted Driving Law nang mag-video ito habang nagmamaneho.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Lopez.

Inamin nito ang kasalanan pero ipinaliwanag na may mga motoristang nauna sa kaniya na lumusot sa ASEAN lane dahil binuksan na daw ng MMDA.

Itinanggi naman ng MMDA ang sinabi ng aktres.

Ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, hindi basta-basta makalulusot sa parusa ang isang nagkasala dahil sa public apology.

Titingnan din ng MMDA ang CCTV footage ng iba pang motorista na gumaya kay Lopez para mapanagot din sila.

ASEAN lane, nabawasan

Nitong Lunes, mabilis na ulit ang daloy ng trapiko sa EDSA dahil itinabi na ang mga harang sa southbound lane ng EDSA.

Hindi na umano kakailanganin ang ASEAN lane dahil karamihan sa mga pagpupulong sa ASEAN Summit ay idaraos sa Cultural Center of the Philippines Complex.

Nagbigay ng abiso ang MMDA sa mga motorista na maghanda para sa Miyerkoles, Nobyembre 15, dahil magsisimula namang magsipag-uwian ang mga delegado ng ASEAN.

-- Ulat ni Zen Hernandez at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.