CAFGU, patay sa pamamaril sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 08:42 PM

TUPI, SOUTH COTABATO - Patay ang isang miyembro ng Civilian Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa pamamaril sa bayan ng Tupi Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Cipriano Inocencio, 54 taong gulang. Pinagbabaril siya ng mga nakamotorsiklong salarin sa Barangay Palian bandang alas onse ng umaga.

Kuwento ng kanyang misis na si Edna, hindi nya akalaing ito ang sasapitin ng kanyang mister, na huli niyang nakitang masaya habang nakikipaglaro sa kanilang apo noong gabi bago mangyari ang insidente.

Halos 20 taon nang CAFGU ang biktima na na-destino sa 72nd Infantry Battalion, Golf Company sa Barangay Kalkam.

Duda ni Edna, posibleng may kaugnayan din sa trabaho ang dahilan ng pamamaril sa kanyang mister dahil wala itong naging kaaway at may dedikasyon sa trabaho.

“May operation dito sa Sitio Barnate sa Barangay Tubeng. Siya ang nag-guide. Kaya siyempre yung lugar na 'yun, siya ang nakakaalam ng daan kung saan yung lugar na yun. Doon na nag-umpisa. May pumunta sa bahay nagsabi, 'Kuya mag-ingat ka, may galit sila sa’yo',” ani Edna.

Ayon sa pulisya, armado ng kalibre .45 na baril ang salarin, dahil sa pitong basyong nakuha sa crime scene.

Tinamaan sa ulo at katawan ang biktima na bumili lang ng sigarilyo sa tindahan nang pagbabarilin ng salarin na nakasuot ng hood.

“So far sa ngayon, may tinatanong na po tayo na tao doon sa area. On process pa yung investigation ng Investigation Section natin,” ayon kay Police Chief Inspector Bernie Faldas, hepe ng Tupi Police Station.

May iniimbestigahan nang grupo na posibleng sangkot din umano sa iba pang pamamaril ang mga pulis.

Dalawang anak at tatlong apo ang iniwan ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.