ASEAN, paiigtingin ang proteksiyon sa mga migranteng manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 06:11 PM

Nakatakdang pirmahan ng mga pinuno ng Association of Southeast Nations (ASEAN) ang isang kasunduang magpapaigting sa pagtitiyak ng kapakanan ng mga migranteng manggagawa. 

Nakapaloob sa mga probisyon ng ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers na bibigyan ang mga migranteng manggagawa ng maayos na benepisyo at pasahod, karapatang sumali sa mga unyon at asosasyon, pagkakataong mabisita ng mga kaanak, pagbabawal na kumpiskahin ang kanilang mga pasaporte, at proteksiyon laban sa sobrang singil ng placement o recruitment fee.

Pinoprotektahan din ng kasunduan ang mga migranteng manggagawa laban sa pang-aabusong seksuwal sa kanilang trabaho.

Gaya ng iba pang kasunduan ng ASEAN, tatalima pa rin ang Consensus sa mga batas na umiiral sa bawat miyembrong bansa.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pihadong makikinabang sa kasunduan ang 212,435 overseas Filipino workers na nakabase sa Timog Silangang Asya.

"In cases where Filipino migrant workers are imprisoned, they will have rights no less favorable than those applied to the local workers. They also have the right to file grievances with the relevant authorities in the countries they are working in," ani Bello.

("Sa mga insidenteng nakukulong ang OFW sa ibang bansa, magkakaroon sila ng karapatang katulad ng ibinibigay sa mga manggagawang mamamayan ng bansang pinagtatrabahuhan. May karapatan din ang mga OFW na maghain ng reklamo sa mga awtoridad ng mga bansa kung saan sila nakadestino.")


Nakatakdang pirmahan ang kasunduan sa Martes, Nobyembre 14.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.