2 suspek sa 'rent-tangay' modus, arestado sa Cavite

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2017 10:52 AM

MAYNILA - Aabot sa 15 tao ang nabiktima ng mag-live-in partner na naaresto ng pulisya nitong nakaraang linggo dahil sa umano'y "rent-tangay" modus.

Tinukoy ng ilang biktima ang mga suspek na sina Mary Ann Balao at kinakasamang si Joey Iglosio, na naaresto sa ikinasang entrapment operation ng Las Piñas police.

Ayon kay "Jane," hindi niya tunay na pangalan, 2016 nang iparenta niya ang kanyang dalawang bagong pick-up na kotse kay Balao na ipinakilala lamang ng isang ahenta ng sasakyan.

Nakapagbayad pa si Balao nang ilang buwan pero pagkatapos nito, tumigil na umano ang suspek. Kasunod nito, sina Jane na ang hinabol ng bangko dahil sa sinisingil sa kanyang auto-loan.

"Kami ang nagsa-suffer sa bank. Araw-araw tinatawagan kami ng bangko para isettle namin ang auto loan at ibalik," sabi ng biktima sa panayam ng ABS-CBN News.

Kinasuhan agad ni Jane ng carjacking at estafa si Balao. Dagdag pa nito, hindi bababa sa 15 biktima ng mga suspek ang kanyang nakausap. Ang ilan dito, 2011 pa aniya nabiktima.

Kasama sa mga ito si "Lisa," hindi niya tunay na pangalan, na nadiskubreng ibinenta ng mga suspek ang pinarenta niya SUV sa isang taga-Mindanao, na hindi alam na hiram lang ang sasakyan.

Nananawagan si Jane at Lisa sa iba pang mga nabiktima ng dalawa sa "rent-tangay" modus na lumantad at magsampa ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.