Ulysses nagdulot ng lahar flow sa Guinobatan, Albay

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2020 06:12 PM

Mga bahay na lubog sa baha at lahar sa Guinobatan, Albay. Jose Carretero

Matiyagang nililinis ni Noel Molar ang loob ng bahay ng kaniyang tiyuhin sa Barangay San Francisco sa Guinobatan, Albay nitong umaga ng Huwebes kasunod ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.

Muli kasing binaha ang lugar, na ayon sa mga residente ay may kasamang lahar.

"Mahirap. Hindi pa nga tapos 'yong unang paglilinis, naulit na naman. Bale panibagong trabaho na naman," ani Molar.

Dahil sa bahang may dalang putik at buhangin, naglagay ng sandbag sa tapat ng kanilang bahay ang mga residente.

Karamihan sa mga residente ay hindi pa tapos sa paglilinis ng duming iniwan ng Bagyong Rolly, ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon na nanalasa sa bayan noong Nobyembre 1.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC

"Mahirap talaga dahil nga puro putik," sabi ni Mely Barachina.

Binisita rin nitong umaga ng Huwebes ni Guinobatan Mayor Gemma Ongjoco ang mga residenteng apektado ng baha at lahar.

Sinisi ng mga residente sa baha ang na-divert na ilog at hiniling na maibalik ang dating ilog.

Pero ayon kay Ongjoco, kailangan nang i-relocate ng mga apektadong residente.

"Hindi na advisable na tumira sila dito," ani Ongjoco.

Higit 300 bahay ang na-lahar sa Guinobatan matapos ang Bagyong Rolly.

-- Ulat ni Jose Carretero

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.