PatrolPH

Parang Ondoy: Pagsagip sa ilang tinamaan ng Ulysses pahirapan sa ilang lugar

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2020 02:11 PM | Updated as of Nov 12 2020 07:25 PM

Parang Ondoy: Pagsagip sa ilang tinamaan ng Ulysses pahirapan sa ilang lugar 1
Sumuong ang ilang residente sa abot-baywang na baha sa Bulelak Street sa Barangay Tumana sa Marikina City dala ng bagyong Ulysses. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA– Pahirapan para sa ilang rescuer ang pagsagip sa mga nabaha dahil sa kulang na gamit at malakas na agos ng tubig-baha dala ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa Metro Manila at iba pang mga lugar sa Luzon nitong Huwebes. 

Ang lakas ng pag-ulan ay inihahalintulad ng ilang awtoridad sa ulan na dala noong 2009 ng bagyong Ondoy, na matinding nakaapekto sa lungsod ng Marikina. 

Dahil sa pagbaha, nalubog ang maraming bahay, at ang ilang residente ay sa bubong nag-abang ng tulong. 

Sa Cainta, Rizal, hindi mapasok ang mga lugar na abot-leeg ang baha at malakas ang agos ng tubig, ayon kay Antonio Carlos, miyembro ng rescue team ng disaster risk reduction and management office ng bayan. 

Halimbawa ang naging pagsagip sa isang stroke patient sa Barangay San Andres. 

"Eh, talagang medyo nahirapan po kami dahil makitid po ‘yung daanan. Kinailangan po namin ng bangka kaya natagalan po kami," ayon sa kagawad na si Ekeng Tajuna.

May iilan namang residente na hindi na sumama sa evacuation dahil may ikalawang palapag ang kanilang mga bahay. 

Watch more on iWantTFC

May illan namang sasakyan ang nakalubog na sa mga kalsada, at hindi na makadaan ang ilang sasakyan sa taas ng baha. Isa na rin ang namatay sa Cainta matapos mabagsakan ng puno ang kanilang bahay. 

Ang Rizal PDRRMO, simula pa Miyerkoles ng gabi ay nag-rescue ng mga residenteng binaha. 

Sa Teleradyo, sinabi ni Dong Malonzo ng Rizal PDRRMO na walang tigil ang kanilang paglilikas at posibleng unti-unti pa lang ang nakukuhang residente sa dami ng mga humihingi ng tulong. 

Tutok ngayon ang mga awtoridad sa pag-rescue sa San Mateo, Rodriguez, at Montalban. 

Sa taas ng tubig-baha sa ilang lugar ay hindi na mabalikan ng ilang residente ang kanilang gamit. Ang ilang residente, mas piniling manatili sa bahay kaysa lumikas. 

Partikular na nagpapabaha sa Cainta ang tubig na nanggagaling sa mga bulubunduking Rodriguez, San Mateo, at Antipolo. 

"Catch-basin po talaga kami kaya 'pag mataas po ang millimeter ng ulan doon sa dalawang binanggit ko po na lugar, 'yun po ang magdudulot sa amin talaga ng pagbaha," ani Eric Arevalo, DRRMO officer ng Cainta. 

Nanawagan na rin sa Philippine Coast Guard at national government ang lokal na pamahalaan ng Marikina na tulungan sila sa rescue operations. 

Ayon kina Marikina Mayor Marcelino Teodoro at Vice Mayor Marlon Andres, posible pa umanong tumaas ang lebel ng tubig kapag nagtuloy-tuloy ang ulan. Hindi na anila nila kakayaning ilikas pa ang kanilang mga residente dahil sa dami ng kailangang sagipin. 

Mayroon lamang umanong 50 rescue boats ang LGU na naka-deploy na sa mga binahang lugar. 

"Ang totoo, itong 50 rescue boats na ito, kapos na kapos, kulang na kulang sa mga binahang area. Hindi kaya, talagang aaminin ko ng lokal na pamahalaan, hindi kaya itong rescue na ginagawa. Sa lakas ng agos ngayon na nararanasan natin, mga motorized talaga ang kailangan natin. At kung weather permitting, air rescue na ang kailangan dahil nasa mga bubong na ang mga kababayan natin ngayon," ani Teodoro. 

Kaliwa't kanan din ang panawagan ng tulong ng ilang mga residenteng sa bubong tumuntong sa lungsod dahil sa taas ng tubig-baha na dinala ng bagyo. 

Inihalintulad ni Teodoro ang pagtaas ng Marikina River sa nangyari noong Bagyong Ondoy. 

"Ang Ondoy ay 21.5 metro ang taas. Kaya nga sinasabi ko parang naaalala natin, ang karanasan natin ay katulad ng Ondoy. Dinalaw din tayo ng Ondoy ng ganitong oras ng gabi at nabigla ang lahat," ani Teodoro. 

Ayon sa state weather bureau PAGASA, maitutulad ang ulang dala ng Ulysses sa ulan na dinala ng Ondoy noong 2009 kung saan matinding naapektuhan ang mga taga-Metro Manila, kabilang na ang Marikina. 

"In terms of pag-ulan natin, ina-assess pa rin natin pero comparable po... Masasabi nating mas maraming pag-ulan na naranasan dito sa bagyong Ulysses compared kay Ondoy dahil malawak ang bagyo," ayon kay PAGASA weather forecaster Benison Estareja sa panayam sa Teleradyo. 

Inaasahang lalakas pa ang Ulysses habang dumaraan ito sa West Philippine Sea at papalabas ng Philippine area of responsibility. -- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.