Manila LGU: Di lahat ng nakatira sa tabing-dagat ay lumikas

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2020 02:06 PM

Mga lumikas sa Baseco Evacuation Center sa Maynila bago ang pananalasa ng Bagyong Ulysses. Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

MAYNILA — Aminado ang lokal na pamahalaan ng Maynila na hindi lahat ng residente sa lungsod na nakatira sa tabing-dagat ay nailikas nila sa gitna ng hagupit ng Bagyong Ulysses.

Ito'y dahil nagpaiwan umano sa kani-kanilang mga tahanan ang mga padre de pamilya, gayundin ang ibang mga lalaking anak.

Ang ilan ay nagsabing babantayan ang kanilang mga gamit, habang ang iba'y nagsabing magbabantay ng mga bangka.

Daan-daang residente ng Baseco Compound ang lumikas bunsod ng malakas na hanging dala ng Bagyong Ulysses. Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

"Nasabihan na po ang lahat. Ang hindi ko lang po masigurado ay kung lahat na ba nagpunta dito," sabi ngayong Huwebes ni Rio Pangan, officer in charge ng Manila-Department of Social Welfare Baseco.

"Ongoing na po ang pagbaba ng barangay para tignan kung mayroon pang natira doon sa nabanggit kong critical areas na Gasangan at Aplaya," ani Pangan.

Halos 1,000 tao ang nasa Baseco Evacuation Center habang nananatiling delikado ang mga coastal community dahil sa lakas ng hangin at banta ng malalakas na alon.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.