PatrolPH

Kalsadang nagdudugtong sa north, south municipalities ng Catanduanes naharang ng landslide

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2020 02:06 PM | Updated as of Nov 12 2020 04:50 PM

Kalsadang nagdudugtong sa north, south municipalities ng Catanduanes naharang ng landslide 1
Clearing operations sa kalsadang nag-uugnay sa mga north at south municipalities sa Catanduanes. Jacque Manabat, ABS-CBN News

(UPDATE) Walang tinira ang Bagyong Ulysses sa bahay ni Elena Pantina sa tabing-dagat ng Barangay Pananaoagan, Bato, Catanduanes.

Malayo sa sentro ng bayan ang bahay, na wala ring signal ng telepono at kuryente.

"Nakakalungkot lang kasi kubo na nga, nasira pa ng bagyo," ani Pantina.

Sa kapitbahay nakituloy si Pantina gabi ng Miyerkoles, pero sinira rin ito ng bagyo.

Ayon kay Pantina, sanay naman sila sa bagyo pero kakaiba ang situwasyon ngayon dahil dinaanan sila ng Ulysses ilang araw lang matapos silang salantain ng bagyong Rolly, ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong 2020.

Dagdag din umano rito na nangyari ang mga pananalsa ng bagyo sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Panawagan ni Pantina: "Kung may magbibigay sa amin ng kaunting tulong, nagpapasalamat kami sa Panginoon... Hindi naman ako humihingi ng marami."

Patuloy na panawagan ng mga taga-Catanduanes ang pagkain, inuming tubig, at maayos na masisilungan.
 

Watch more on iWantTFC


Bago makarating sa sitio nina Pantina, may landslide ding nakaharang.

Lumambot kasi ang lupa mula sa magkakasunod na bagyo kaya nagkaroon ng pagguho sa boundary ng mga bayan ng Virac at Bato.

Hinahati ng landslide ang lalawigan dahil ang daan sa boundary din ang nagdudugtong sa mga northern at southern municipalities ng Catanduanes.

Malalaking tipak ng bato, nabunot na puno at mga poste ng kuryente ang humarang sa kalsada.

Wala namang naiulat na nasaktan, nawawala o nasawi dahil sa pagtama ng Bagyong Ulysses sa Catanduanes.

Nakatawid na nitong umaga ng Huwebes ang Ulysses sa Luzon at nasa West Philippine Sea na.

Sa umaga ng Biyernes inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility pang-21 bagyo ng bansa.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.