PatrolPH

Kahit 'dumaplis' lang: Ulysses nagdulot ng takot sa mga taga-CamSur

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2020 07:58 PM | Updated as of Nov 12 2020 09:38 PM

Watch more on iWantTFC

SAGÑAY, Camarines Sur – Kahit dumaplis lang ang bagyong Ulysses sa lalawigang ito ay takot pa rin ang dala nito sa mga residente lalo't hindi pa sila nakakabangon mula sa hambalos ng bagyong Quinta at Rolly noong mga nakaraang linggo. 

Kaya maaga pa lang, lumikas na ang mga taga-Barangay Bongalon dahil sa banta ng landslide sa Sagñay-Tiwi Road.

"Yung bundok nakakatakot," sabi ni Salve Dacuba, residente ng barangay.

Ayon sa social worker ng bayan ng Sagñay, umabot sa mahigit 200 pamilya ang inilikas mula sa mga storm surge at landslide prone-barangay.

"Iyung sa Rolly po, sa LGU po, sa lahat ng 19 barangays lahat na po sila nabigyan ng relief," sabi ni Edicia Niña, social worker.

Inilikas din ang mga nakatira sa mga peligrosong lugar sa Tinambac.

Ni-rescue naman sa kasagsagan ng bagyo ang mga nakatira sa gitna ng binahang palayan sa Barangay Boclod sa San Jose.

Sa Presentacion, Camarines Sur, nagka-flash flood naman sa national highway ng Sitio Binarian, Barangay Pili.

Nalubog naman sa tubig ang ikalimang distrito ng Camarines Sur dahil sa pag-apaw muli ng lawa ng Buhi, Bato at Baao.

Umabot hanggang bewang ang baha sa central business district ng Iriga City kaya nasa mahigit 4,000 pamilya ang inilikas ng disaster management office noong Miyerkoles ng gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.