Mga tent ng quake victims sa Makilala nasira sa pag-ulan ng yelo

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 05:57 PM | Updated as of Nov 12 2019 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nasira ang makeshift tents na tinutuluyan ng mga biktima ng lindol sa bayan ng Makilala, Cotabato matapos makaranas ng malakas na hangin at hailstorm o pag-ulan ng yelo noong Lunes.

Bukod sa Makilala, nanalasa din ang hailstorm sa Kidapawan City, ayon kay Roy Jumawan, forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa Cotabato City.

Dahil sa malalakas na hangin at pag-ulan, nilipad at nabutasan ang mga makeshift tent ng mga evacuee sa ilang evacuation site sa Makilala.

Ang ibang tent naman ay napunit bunsod ng hampas ng malalakas na hangin.

Sa video na kuha ni Jhunelle Calnawe, mapapanood ang pagbuhos ng malakas na ulan na may halong yelo na sinlaki ng holen.

Pero ngayong Martes, inumpisahan na ng mga evacuee na aysuin ang mga nasirang tent, base sa pag-iikot ng ABS-CBN News.

Ayon kay Sylvia Fernando, nakapanlulumo ang sinapit nila dahil bukod sa lindol na nanira sa kanilang bahay noong nakaraang buwan, tinangay naman ngayon ng malakas na hangin ang kanilang tent.

Tiniyak naman ni Amor Divina Palesterio, leader ng Department of Social Welfare and Development team na ipinadala sa Makilala, natutugunan nila ang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Namahagi rin nitong umaga ng Martes ang Presidential Security Group ng relief goods sa mga evacuee sa Makilala Central Elementary School.

Inilikas ang mga residente sa Makilala dahil sa magkakasunod na lindol na tumama sa Mindanao noong nakaraang buwan. -- Ulat nina Lore Mae Andong at Andoreena Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.